Baling, Erma Sabrina L. and Dones, Maria Christine Jonah and Garcia, Angelica A. (2012) Batang troli sa gilid ng riles: konsepto ng pagtatrabaho at impak nito sa kanilang pangarap sa buhay. Undergraduate thesis, De La Salle University-Dasmariñas.
Text (Abstract)
PSY 1065 2012.pdf Download (325kB) |
|
Text (Full text)
BalingDonesGarcia - BatangTroli.pdf Restricted to Registered users only Download (6MB) |
Abstract
ABSTRAK Pangalan ng Institusyon: Pamantasang De La Salle - Dasmariñas Lokasyon: Dasmariñas City, Cavite Pamagat: BATANG TROLI SA GILID NG RILES: KONSEPTO NG PAGTATRABAHO AT IMPAK NITO SA KANILANG PANGARAP SA BUHAY Mga Mananaliksik: Erma Sabrina L. Baling Maria Christine Jonah B. Dones Angelica A. Garcia Kurso: Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya Pinagmulan ng Pondo: Mga Magulang Nagastos: Php 8,000.00 Petsang Sinimulan: Hulyo 2011 Petsang Natapos: Marso 2012 Saklaw at Limitasyon: Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa sampung (10) lalaking batang troli na may edad na 9-14 sa riles ng Sto. Niño, Biñan, Laguna at halos mahigit nang isang taon na nagtotroli. Inalam ng pananaliksik na ito ang konsepto (pananaw at damdamin) ng mga batang troli sa pagtatrabaho at impak nito sa kanilang pangarap sa buhay. Metodolohiya: Gamit ang Purposive Sampling upang makalap ang mga kalahok at ang Kalitatibo-Maka-Pilipinong Pananaliksik bilang disenyo ng pananaliksik na gumamit ng mga Katutubong Metodo na nahahati sa dalawa: Ang Iskala ng Mananaliksik at Iskala ng Patutunguhan ng Mananaliksik at Kalahok bilang instrumento ng pananaliksik, isinagawa ang pagkalap at pagsuri ng datos sa tulong ng mga gabay na katanungang makikita sa Apendiks L. Mga Napag-alaman ng Pag-aaral: Natuklasan sa isinagawang pananaliksik na ang mga batang troli ay nagtatrabaho sapagkat hindi sapat ang kinikita ng kanilang mga magulang upang tustusan ang pangangailangan ng buong mag-anak sa araw-araw at nagkakaroon ng pagkakataon sa buhay ng mga batang ito na sila ay nahihinto sa kanilang pag-aaral na nagbubukas ng pinto sa kanila sa iba’t ibang oportunidad upang kumita ng pera kahit pa man hirap ng katawan ang kapalit nito bagamat mayroon namang tumutulong sa kanila at nahaharap din sila sa kapahamakan para lamang maabot ang kani-kanilang pangarap sa buhay. Dahil dito, ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng mataas na pangarap, ibinatay ang kanilang mga pangarap sa realidad ng buhay at ng kung anong nangyayari sa kanilang kapaligiran, naimpluwensyahan ng mga taong nasa paligid nila at ang ilan naman ay pinili na lamang na huwag nang mangarap. Konklusyon: Sa hirap ng buhay, isa sa suliranin na kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino ay ang problemang pinansyal kaya naman para sa mga batang troli ang pagkita ng pera ang pangunahin nilang dahilan sa pagtotroli, at dahil mulat na agad ang mga batang ito sa realidad ng buhay, alam nila kung paano magpahalaga sa bawat kusing na kanilang kinikita mula sa pagtotroli. Hirap ng katawan ang madalas nilang idinadaing kaya’t isa ito sa naging konsepto ng pagtatarabaho ng mga batang troli, madalas magkasakit ang mga batang ito dahil sa liit ng kanilang pangangatawan. Lingid naman sa kaalaman natin na hindi ligtas ang paninirahan sa gilid ng riles, mapanganib at delikado ito lalo na sa mga bata na katulad ng mga kalahok. May mga pangyayari o insidente na nasaksihan ang mga bata na hindi angkop para sa mga batang nasa edad nila tulad ng krimen, awayan at nakawan. Kaya naging konsepto din ng pagtatarabaho ang takot at panganib. Malalapit ang loob ng bawat bata sa isa’t isa, kaya naman handa silang tumulong sa kasamahan nila sa pagtotroli lalo at nakikita nila na nahihirapan sa pagpapdyak o pagtutulak ang mga ito. May mga tao rin na umaalalay sa mga batang ito, na kapwa nila magtotroli kaya naman nabuo ang konsepto ng pagtatarabaho bilang pagtutulungan.Sa mga napagdaanang karanasan sa buhay ng mga batang troli nagsilbi itong motibasyon para sila ay magsumikap na may marating o maabot ang kanilang pangarap sa buhay dahil hindi nila gugustuhin na manatili lamang sa ganoong kalagayan. Ang mga nabuong konsepto ng pagtatrabaho ng mga batang troli ay may impak sa panagrap ng mga bata. Makikita sa resulta na ang mga batang ito ay nakabuo ng pangarap base sa kanilang naging konsepto ng pagtatrabaho. Napatunayan din ng mga naging pahayag ng mga batang ito na hindi hadlang ang estado ng kanilang buhay para magkaroon at maabot ang kanilang mga pangarap. Rekomendasyon: Sa mga magulang. Gawin ang tungkulin nila sa kanilang mga anak na matustusan ang pangangailangan sa pamamagitan ng paghahanapbuhay para sa kanila. Huwag hayaan na nakawin ng pagtatrabaho ang kamusmusan ng kanilang mga anak. Sa Lokal na Pamahalaan ng Biñan. Bigyang pansin ang sitwasyon ng mga kabataang ito sa riles ng Sto. Niño. Gumawa ng mga paraan upang mabawasan ang bilang ng mga batang nagtotroli upang hindi maapektuhan ang kanilang mga kalusugan at pag-aaral. Ilipat ang lahat ng mga nakatira sa riles sa isang mas ligtas na lugar na malapit sa pamilihan, ospital at sa oportunidad na magkaroon ng mas maayos na hanapbuhay ang kanilang mga magulang. Isangguni ang ganitong sitwasyon sa pamahalaan ng Pilipinas upang mamulat ang mga nakaupo sa pwesto na mayroong ganitong uri ng problema na kinakaharap ang mga kabataang Pilipino. Sa Kagawaran ng Paggawa at Empleyo. Gawan ng aksyon ang mga batas tulad ng R.A 9231, Anti Child Labor Law na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga kabataang Pilipino. Magsagawa ng mga pangkabuhayang programa tulad ng handicrafts, food industry gaya ng paggawa ng tocino, longanisa at iba pang pagkaing pinepreserba. Sa Kagawaran ng Kalusugan. Magsagawa ng regular na pagdalaw sa mga Barangay Centers, upang makapagbigay ng libreng konsulta at gamot sa pangunahing sakit ng mga bata tulad ng lagnat, sakit ng katawan, ubo at sipon. Mahalaga rin na mabigyan ng bitamina ang mga batang ito nang sa gayon ay may proteksyon sila laban sa mga sakit. Sa Kagawaran ng Edukasyon. Gumawa ng paraan upang mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga bata, lalo na ang mga batang may gustong marating sa buhay. Kung hindi kaya ng mga batang ito na tustusan ang kanilang pag-aaral dahil sa kawalan ng pera, pamasahe at pambaon, sila na mismo ang gumawa ng aksyon upang ilapit ang edukasyon sa mga bata, mayroong mga boluntaryong guro na nagbigay ng libreng edukasyon, at maaring pumunta sa kanilang lugar upang magturo. Sa Simbahang Kristiyano. Bigyang katuparan ang mga nasusulat sa dokumento ukol sa mga kabataang ito. Magsagawa ng aksyon upang mabigyang boses ang mga batang mahihirap at tulungan silang panatilihin ang kanilang paniniwala sa Diyos kahit pa nasa ganito silang kalagayan. Bilang mga anak ng Diyos mas kailangan nating tumulong sa mahihirap lalo na sa mga bata dahil ang mukha ng Panginoon ay makikita sa mga mahihirap lalo na sa mga kabataan. Ito ay dahil sa ang mga bata ay higit na malapit sa puso ng Panginoon. Sa mga susunod pang mananaliksik. Palawakin ang pananaliksik na ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga konsepto ng pagtatrabaho ng iba’t ibang kabataang naghahanapbuhay at ang impak nito sa kanilang pangarap sa buhay. Mas mapapabuti ang mga susunod pang pag-aaral kung isasalang-aalang ang konsepto ng pagtatrabaho ng bawat bata batay sa kanilang edad at haba ng panahong inilagi sa pagtotroli. Gumawa rin ng mga pag-aaral na naghahalintulad at nagpapakita ng pagkakaiba ng mga konsepto ng mga batang troli sa pagtatrabaho batay sa kanilang edad.
Item Type: | Thesis (Undergraduate) |
---|---|
Additional Information: | PSY 1065 2012 |
Subjects: | B Philosophy. Psychology. Religion > BF Psychology H Social Sciences > HN Social history and conditions. Social problems. Social reform H Social Sciences > HT Communities. Classes. Races |
Depositing User: | Users 4 not found. |
Date Deposited: | 30 Jan 2016 01:09 |
Last Modified: | 30 Oct 2024 05:24 |
URI: | https://thesis.dlsud.edu.ph/id/eprint/1372 |
Actions (login required)
View Item |