Caganong, Klaren Grace D. and Mendoza, Joylyn K. (2011) Isang komparatibong pag-aaral sa paniniwala ng mga relihiyoso at propesyunal sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Undergraduate thesis, De La Salle University-Dasmariñas.
Text (Abstract)
PSY 1026 2011.pdf Download (147kB) |
|
Text (Full text)
CaganongMendoza ... - Albularyo.pdf Restricted to Registered users only Download (9MB) |
Abstract
ABSTRAK Pangalan ng Institusyon Pamantasang De La Salle - Dasmariñas Address Dasmariñas, Cavite Pamagat Isang Komparatibong Pag-aaral sa Paniniwala ng mga Relihiyoso at Propesyunal sa Paraan ng Panggagamot ng mga Albularyo May Akda Klaren Grace D. Caganong at Joylyn K. Mendoza Pinagkuhanan ng Pondo Mga Magulang Halaga Php 10, 000 Petsa ng Simula Hunyo 2010 Petsa ng Pagsumite Marso 2011 Saklaw at Limitasyon Ang kabuuang layunin ng pagaaral na ito ay mailahad at maikumpara ang paniniwala ng mga relihiyoso at propesyunal sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Ang dalawampung kalahok ay nahati sa dalawang pangkat. Ang sampu ay mula sa mga relihiyoso at ang natitirang sampu ay mula sa mga propesyunal. Metodolohiya Ang desenyong ginamit ng mga mananaliksik sa pag-aaral na ito ay deskriptiv. Gumamit ng purposive convenient sampling ang mga ito sa pagpili ng mga kalahok sa pag-aaral. Sumangguni ang mga mananaliksik sa aklat ni Rogelia Pe-pua na Sikolohiyang Pilipino Teorya, Metodo, at Gamit. Gumamit ng katutubong pamamaraan ng pananaliksik ang mga ito gamit ang pakikipagpalagayang-loob,pagtatanungtanong at pakikipagkwentuhan. Mga Kasagutan Unang Suliranin: Ano ang demograpikong profayl ng mga relihiyoso at propesyunal? Sa unang suliranin ay inilahad ang pangalan ng mga tagatugon, ang kanilang edad, tirahan, hanapbuhay at bilang ng taon sa kanilang serbisyo. Ang mga mananaliksik ay may dalawampung tagatugon na residente ng bayan ng Dasmariñas, Imus at Silang Cavite. Ang mga ito ay kinapapalooban ng mga relihiyoso at propesyunal na tao. Ang sampung tugon ay nanggaling sa mga relihiyosong kasapi ng Romano Katoliko, Born Again Christian, Baptist, Jehovah’s Witnesses at Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios na kung saan sila ay tinatawag na pari, pastor, elder, brother, at sister sa bawat relihiyong kanilang kinaaaniban. Sa kabilang banda, ang sampu pang tugon ay nanggaling sa mga propesyunal na lisensyadong politiko, guro, pulis, inhinyero at abogado. Apat sa sampung relihiyoso ay pumapaloob sa edad na 30 hanggang 40 taong gulang; Dalawa ay nasa 41 hanggang 50 taong gulang; Dalawa sa 51 hanggang 60 taong gulang at dalawa din sa 61 haggang 70 taon taong gulang. Samantala, apat sa sampung kalahok ay kasama sa 1 hanggang 10 taon. Apat ay pasok sa 11 hanggang 20 at ang natitirang dalawa ay nasa 21 hanggang 35 taon sa serbisyo. Apat sa sampung propesyunal ay pumapaloob sa edad na 20 hanggang 30 taong gulang. Isa ay nasa 31 hanggang 40 taong gulang; Isa sa 41 hanggang 50 taong gulang at ang natitirang apat ay napapaloob sa 51 haggang 70 taon gulang. Samantala, ang bilang ng taon sa serbisyo ng mga propesyunal na kalahok sa pagaaral. Pito sa sampung kalahok ay kasama sa 1 hanggang 10 taon. Dalawa ay pasok sa 11 hanggang 20 at ang isa ay nasa 21 hanggang 30 taon sa serbisyo. Ikalawang Suliranin: Ano ang paniniwala ng mga relihiyoso at propesyunal sa mga albularyo kaugnay sa paraan ng kanilang panggagamot? Ang ikalawang suliranin naman ay tumatalakay sa kung ano ang paniniwala ng mga relihiyoso at propesyunal sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Apat sa sampung propesyunal na tagatugon ang naniniwala sa kakayahan at paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Ibinase ng mga propesyunal na kalahok ang kanilang paniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo batay sa siyensya, banal na bibliya at sa kanilang sariling karanasan. Sa kabilang banda, apat din sa mga relihiyosong kalahok ang naniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Ibinase ng mga relihiyosong kalahok ang kanilang paniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo batay sa banal na bibliya, sa kanilang relihiyon at sariling karanasan. Ikatlong Suliranin: Sino ang mas higit na naniniwala sa mga Albularyo? Relihiyoso o Propesyunal? Ang ikatlong suliranin ay tumatalakay sa kung sino ang mas higit na naniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Batay sa naging resulta ng pag-aaral na ito, pantay lamang ang bilang ng tao sa dalawang grupo na naniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Tanging ang dalawang pulis, tig-isang inhinyero at politiko ang naniniwala sa kakayahang manggamot ng mga albularyo, habang ang dalawang pari ng Romano Katoliko at dalawang elder ng Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios ang naniniwala sa mga ito. Apat na pung porsyento ng kabuuang bilang ng tagatugon ang naniniwala sa mga albularyo at anim na pung porsyento ng kabuuang bilang ng tagatugon ang hindi naniniwala. Konklusyon Ang bahaging ito ay tumatalakay sa konklusyong nabuo ng mga mananaliksik sa pag-aaral na ito. Ang mga konklusyong nabuo ay ibinatay sa apat na suliraning inilahad sa saliksik na ito. 1. Naging epektibo ang mga maka Pilipinong pamamaraang ginamit ng mga mananaliksik upang mahukay ang mga totoong paniniwala ng mga kalahok tungkol sa kakayahan at paraan ng panggagamot ng mga albularyo. 2. Nahahati sa tatlo ang basehan ng paniniwala ng mga relihiyosong kalahok sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Walo sa sampung kalahok ay ibinase ang kanilang paniniwala sa bibliya; Isa sa kanila ay base sa relihiyong kinabibilangan at ang isa pa ay base sa sariling karanasan. Sa kabilang banda, nahahati rin sa tatlo ang basehan ng paniniwala ng mga propesyunal na kalahok sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Lima sa sampung kalahok ay ibinase ang kanilang paniniwala sa siyensya. Tatlo sa kanila ay base sa sariling karanasan at dalawa naman ay batay sa bibliya. 3. Ang relihiyosong kasapi ng Romano Katoliko at Tatlong Persona Solo Dios ang naniniwala sa paraan ng panggagamot ng mga albularyo. Subalit ang mga relihiyosong kasapi Baptist, Born Again at Jehovah’s Witness ay hindi naniniwala. Apat sa kanila ang naniniwala ngunit anim sa kanila ang nakaranas ng magpagamot sa mga albularyo. Nagbago ang kanilang paniniwala patungkol sa mga albularyo noong naging kasapi sila ng kanilang relihiyon ngayon, kung saan ang konsepto ng panggagamot ng mga albularyo ay isang gawaing hindi kinikilala sa kanilang doktrina. 4. Ayon naman sa mga propesyunal na kalahok, ang tig-dalawang abogado at guro, tig-isang inhiyero at politiko ay hindi naniniwala sa mga albularyo. Samantalang ang dalawang pulis, tig-isang inhinyero at politiko naman ang naniniwala sa kanila. Anim sa sampung kalahok na propesyunal ang nakaranas ng magpagamot sa mga albularyo buhat ng sila ay bata pa, nabago ang kanilang paniniwala dahil sa kaligiran ng kanilang propesyon na kung saan mas paniniwalaan nila ang mga doktor at iba pang may sayentipikong basehan. 5. Base sa resulta ng saliksik na ito, apat sa sampung propesyunal at apat din sa sampung relihiyosong kalahok ang naniniwala sa kakayahan ng mga albularyo na makapagpagaling ng mga may sakit. Sa kabuuan, apat na pung porsyento ng tagatugon lamang ang naniniwala sa kakayahan ng mga albularyo at anim na pung porsyento ang hindi naniniwala. Rekomendasyon Ang bahaging ito ng saliksik ay tumatalakay sa rekomendasyon ng mga mananaliksik ukol sa pag-aaral. Ang mga rekomendasyon ay hango o ibinatay sa konklusyong nabuo ng mga mananaliksik. Sa mga Albularyo. Iminumungkahi ng mga mananaliksik na magkaroon ng oras na maisulat o maihayag ang kanilang mga saloobin at personal na karanasan patungkol sa uri ng kanilang panggagamot upang maging batayan ito at magamit ng mga susunod na pag-aaral. Sa mga Relihiyoso at Propesyunal. Sa kadahilanang kakaunti lamang ang mga nasulat at naitalang katotohanan tungkol sa mga albularyo, iminumungkahi ng mga mananaliksik sa mga tao na nakaranas ng magpagamot sa mga albularyo na ilathala ang kanilang personal na karanasan sa mga kinauukulan. Ito ay upang magkaroon ng nasusulat na katunayan tungkol sa mga albularyo na maaaring gamitin ng mga susunod na magsasagawa ng kaparehong pag-aaral. Sa mga guro at mag-aaral ng Sikolohiya. Ang pakikipagpalagayang loob ay iminumungkahing gamitin sa Iskala ng Pagtatanungan ng Mananaliksik at Kalahok na nagiging parte ng pag-aaral sapagkat sa paraang ito mayroong mas malaking tsansa na ang mga makokolektang datos ay higit na mapagkakatiwalaan. (Pepua, 1989). Sa mga mananaliksik sa hinaharap. Inirerekominda ng mga mananaliksik sa mga susunod na magsasagawa ng kaparehong pag-aaral na magsagawa ng sarvey at maglaan ng mas mahabang panahon sa pagkuha ng datos upang makakuha sila ng mas madaming bilang ng tagatugon na magbibigay ng sapat na impormasyon na susuporta sa pag-aaral.
Item Type: | Thesis (Undergraduate) |
---|---|
Additional Information: | PSY 1026 2011 |
Subjects: | B Philosophy. Psychology. Religion > BF Psychology G Geography. Anthropology. Recreation > GR Folklore G Geography. Anthropology. Recreation > GT Manners and customs |
Depositing User: | Users 4 not found. |
Date Deposited: | 28 Jan 2016 05:18 |
Last Modified: | 18 Oct 2024 01:20 |
URI: | https://thesis.dlsud.edu.ph/id/eprint/1333 |
Actions (login required)
View Item |