Dekonstruksyon ng teorya ni berger hinggil sa proseso ng paglaladlad ng batang beki.

Bobis, Lydie Mary B. and San Miguel, Micah J. (2014) Dekonstruksyon ng teorya ni berger hinggil sa proseso ng paglaladlad ng batang beki. Undergraduate thesis, De La Salle University-Dasmarinas.

[thumbnail of Full text] Text (Full text)
BobisMiguel ... - Paglaladlad.pdf
Restricted to Registered users only

Download (3MB)
[thumbnail of Abstract] Text (Abstract)
BobisMiguel ... - Paglaladlad_Abstract.pdf

Download (362kB)

Abstract

Pangalan ng Institusyon: Pamantasang De La Salle – Dasmariñas Lokasyon: Dasmarinas City, Cavite Pamagat: DEKONSTRUKSYON NG TEORYA NI BERGER HINGGIL SA PROSESO NG PAGLALADLAD NG BATANG BEKI Mga Mananaliksik: Bobis, Lydie Mary B. San Miguel, Micah J. Kurso: Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya Petsang Sinimulan: Hunyo 2013 Petsang Natapos: Marso 2014 Saklaw at Limitasyon: Marami na ang mga pag-aaral patungkol sa homoseksuwalidad partikular na sa mga beki ngunit kaunti pa lamang ang mga nagbibigay-pansin sa mas nakababatang grupo nito kaya pinili ng mga mananaliksik ang mga batang beki na may edad sampu hanggang labing dalawa bilang kalahok. Walong kalahok mula sa iisang seksyon ng klase ang nakatakdang kalahok para sa pag-aaral na ito subalit tatlo lamang sa mga ito ang pinahintulutan ng kanilang mga magulang. Apat sa mga magulang na ito ang tumangging magbigay ng pahintulot sapagkat sila ay hindi pa bukas sa katotohanang ang kanilang mga anak ay itinuturing ang kanilang mga sarili bilang homoseksuwal. Isang bata naman mula sa parehong seksyon ang mismong tumangging maging kalahok sa kadahilanang pangkabuhayan na kung saan isa siya sa inaasahan sa kanilang pamilya kaya’t hindi siya makapagbibigay ng oras sa pag-aaral na ito. Ang mga kalahok ay nagmula lamang sa bayan ng Dasmariñas, Cavite. Sa pag-aaral na ito, ang nakalap at naiinterpretang datos ay maaaring hindi kumatawan sa buong populasyon o sa lahat ng kabilang sa grupong ito. Metodolohiya: Ito ay isang uri ng kuwalitatibong pananaliksik na ginamitan ng maka-Pilipinong pamamaraan partikular na ang mga katutubong pamamaraan na pagtatanong-tanong, pakikipagpalagayang-loob, at pakikipagkuwentuhan. Ang mga mananaliksik ay gumamit ng paraang purposive sampling sa pagpili ng mga batang beki na naging kabilang sa pag-aaral. Ang mga kalahok na ito ay natutugunan ang mga sumusunod na katangian: (1) may edad sampu hanggang labing dalawa, (2) naninirahan sa probinsya ng Cavite, at (3) bukas sa pamilya ang kanilang katauhan. Ang mga kalahok ay wala pa sa hustong gulang kaya kinailangang makakuha ng permiso ang mga mananaliksik mula sa kanilang mga magulang upang sila ay mapabilang sa pag-aaral na ito. Upang makalap ang mga kinakailangang datos, gumamit ang mga mananaliksik ng gabay na katanungan na dumaan sa at sinuri ng isang ekspertong guro mula sa Departamento ng Sikolohiya ng Pamantasang De La Salle – Dasmariñas na may kaalaman sa larangan ng homoseksuwalidad. Mga Napag-alaman sa Pag-aaral: 1. Napatunayan ng mga mananaliksik na mayroong pinagdadaanang proseso ng paglaladlad ang mga batang kabilang sa ikatlong kasarian. 2. Hindi angkop sa konteksto ng mga Pilipino ang teorya ni Berger na Modelo Para sa Paghubog ng Pagkatao ng Homoseksuwal at base sa karanasan ng mga batang beki ay nakabuo ang mga mananaliksik ng panibagong balangkas. 3. Napatunayan rin ng mga mananaliksik na ang mga batang may edad sampu hanggang labindalawang taong gulang ay bukas na ang isipan sa isyung seksuwalidad subalit ang mga magulang nila ang nagiging hadlang sa pagiging bukas nila sa usaping ito. Rekomendasyon: Batay sa mga nakalap na datos sa pag-aaral na ito, ang sumusunod ay iminumungkahi ng mga mananaliksik upang makapagdagdag ng kaalaman at kamalayan patungkol sa paksa. Mga Magulang ng Batang Beki. Mas malawak na pang-unawa ang kinakailangan sa isyu ng seksuwalidad upang lubos na maintindihan ang mga anak sa kinakaharap nilang proseso. Nararapat din na pagtibayin lalo ang samahan ng pamilya upang magabayan nang mabuti ang kanilang mga anak sa landas na piniling tahakin. Mga Batang Beki. Iminumungkahi ng mga mananaliksik na maging bukas sa posibilidad na balang araw ay kakailanganin nilang ihayag ang tunay na sarili sa lipunan. Sa Lipunan. Hinihikayat ng mga mananaliksik ang mas malawak na pang-unawa mula sa mga mamamayan at respeto sa mga kabilang sa LGBT community (lesbian, gay, bisexual, transgender) upang mawala na ang mga takot sa kanilang sarili na magladlad at ipakita ang tunay nilang katayuan. Mga Susunod na Mananaliksik. Inirerekomenda ng mga mananaliksik na mas pagtibayin pa ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng mas maraming kalahok. Maaari din palawakin ang pag-aaral sa proseso ng paglaladlad at alamin kung angkop nga ba ang iba’t ibang Kanluraning modelo sa konteksto nating mga Pilipino. Ang relasyon ng mga batang beki sa kanilang mga magulang, kapatid, at kaibigan ay maaari ding bigyang-pansin sapagkat sila ang mga taong may mahalagang parte sa pagbuo ng pagkatao ng mga batang ito. PASASALAMAT Hindi biro ang bawat yugtong dinanas ng mga mananaliksik habang binubuo ang pag-aaral na ito. Mula sa umagang pagharap sa gabundok na mga libro hanggang sa mga gabing walang tulog ay nanatiling matatag ang bawat isa. At ngayong ito ay matagumpay nang nabuo at naipasa, nais ng mga mananaliksik na pasalamatan ang mga sumusunod na indibidwal sa walang humpay na suportang pisikal, mental, emosyonal, moral, pinansiyal at espirituwal na kanilang ibinigay mula sa umpisa hanggang sa matapos ito: Sa kanilang mga Magulang buong pusong sumuporta sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. Sila ang walang pagod na naghahanapbuhay upang matugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga mananaliksik at walang sawang nagbibigay ng lakas ng loob, inspirasyon at pag-unawa sa mga mananaliksik. Sa kanilang mga Kamag-anak na laging nariyan upang magbigay ng moral na suporta sa mga mananaliksik. Sa kanilang guro at tagapayo na si Ginoong Ricardo Clores na hindi nagsawang umunawa, gumabay at magbigay-payo sa mga mananaliksik hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasakatuparan ng pag-aaral na ito. Sa mga Kalahok na Batang Beki na aktibong nakisama sa bawat oras na kinailangan sila ng mga mananaliksik upang mapagtagumpayan ang pag-aaral na ito. Ang mga mananaliksik ay taos-pusong nagpapasalamat sa mga batang ito na hindi kailanman ipinagdamot ang kanilang karanasan at kuwento sa buhay. Sa mga Magulang ng Kalahok na nagtiwala at nagbigay-pahintulot na maging instrumento ang mga batang kalahok para sa tagumpay ng pag-aaral na ito. De La Salle University – Dasmariñas Sa mga Guro at Mag-aaral ng Dasmarinas II Central School na tumulong at gumabay sa mga mananaliksik upang makahanap ng kalahok sa loob ng kanilang paaralan. Sa dalawang batang sina Milka Grace Ortega at John Lloyd Dasas na boluntaryong tumulong sa mga mananaliksik upang mapapayag ang kanilang mga kaibigan na maging bahagi at kalahok ng pag-aaral na ito. Sa mga kamag-aral na hindi hinayaang may mapag-iwanan sa grupo ng klase na ito. Ang mga taong nagpapaalala sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa mga pangangailangan bilang estudyante. Sa mga kaibigan ng mga mananaliksik na sina Brent Arvin Escape, Ian Christopher Rivera, Regine Velarde at Ysabel Bernadette Yumol na hindi nainip sa paghihintay sa mga mananaliksik sa kabila ng kanilang laging pagiging huli sa itinakdang oras ng pasahan. Ang mga kaibigan na nagbigay ng mga salitang nakapagpatibay ng loob at nakapagbigay-inspirasyon sa mga mananaliksik. Ang mga kaibigang nanatili sa tabi ng mga mananaliksik mula umpisa hanggang sa kasalukuyan. Maraming Salamat. At higit sa lahat, buong-pusong pinasasalamatan ng mga mananaliksik ang Panginoon na nagbigay-katalinuhan at lakas sa bawat isa. Patuloy Niyang sinasagot ang mga panalangin at pinatatatag ang kalooban ng mga mananaliksik sa likod ng takot at kabang kanilang nararamdaman tuwing haharap sa guro at mga tagasuri. Hindi niya hinayaang may panghinaan ng loob sa mga mananaliksik habang binubuo ang pag-aaral na ito hanggang sa matapos. Binabati ng mga mananaliksik ang bawat kamag-aral na kasabay na napagdaanan at matagumpay na natapos ang kanya-kanyang pag-aaral. Sa kabila ng hirap na dinanas ay may naghihintay na pagpupunyagi. Salamat muli sa lahat ng naging bahagi ng pag-aaral na ito.

Item Type: Thesis (Undergraduate)
Additional Information: PSY 1167 2014
Subjects: B Philosophy. Psychology. Religion > BF Psychology
Depositing User: Users 4 not found.
Date Deposited: 11 Nov 2015 01:16
Last Modified: 09 Mar 2022 08:21
URI: https://thesis.dlsud.edu.ph/id/eprint/52

Actions (login required)

View Item View Item